Thursday, January 22, 2009

Pers Lab

Katabi ko si Ser Tabin kaninang NatSci nang kinuha niya ang Manila Collegian (Kule) na nakalagay sa upuan. Tinignan sandali at kinalabit ako, sabay bulong ng kung anong kumpol ng mga salita at nag-mostra ng tila nagsusulat sa isyu ng Kule na iyon gamit ang imaginary ballpen.

Akala ko ay kailangan niya ng totoong panulat, kaya’t iniabot ko ang berde kong gel pen sa kaniya. Hindi pala, iyon pala ang kanyang paraan ng pagsasabing: “Sumali ka sa Kule.”

Sumali ka sa Kule.

Natawa na lang ako. Ang sabi ko: “Ser naman, hindi ko po kaya diyan. Matrabaho po.” Ang sabi niya: “Subukan mo lang naman. Kaya mo yan.” Ako ulit: “Ser, eto nga pong wala akong ginagawang presswork hapit na hapit na ako e, iyun pa kayang me iba pang trabaho… saka na lang ser, pag me bayad na ang pagsusulat sa Kule.” Ang sagot sa akin: “Me recognition naman sa pag-graduate e.” At ang sabi ko: “Ser, di ko naman makakain ‘yun.” Sabay tawa.

Sa totoo lang, dahil lang sa usapan na iyon ko naalala ang aking unang pangarap bago ako pumasok ng UP. Ang sabi ko, mag-aapply talaga ako sa Collegian, dahil mula noong nasa elementarya ako ay bahagi na ako ng pamatnugutan ng diyaryo ng paaralan. Oo, kahit na walang saysay ang mga pinaggagagawa ko ngayon dito sa blog na ito, masasabi ko na disente ang mga naisusulat ko noon. At ang mga panahon na yon ang nami-miss ko. Nami-miss ko ang sumulat sa papel nang hindi tinatamad, dahil ngayon, itinitipa ko na lang ang lahat sa keyboard. Dati nagagawa kong mapuno ang isang notbuk ng aking mga saloobin, mga kanta, tula, kwento at kung anu-ano pa. Ngayon, hindi ko na iyon kaya. O maaaring kaya ko pa rin, ngunit kulang na ako sa inspirasyon at gana sa pagsusulat.

Hindi ko nga alam kung bakit ako nawawalan ng gana sa pagsusulat dahil ito ang pangunahing dahilan kung bakit ako nag-aaral ng kursong pangkomunikasyon. Dati’y nag-uumapaw ang aking mga ideya sa oras na makahawak ako ng papel at kahit na anong panulat. Ngayon, kailangan ko pa ng mahabang panahon bago makaisip ng magandang panimula sa isang sanaysay na noon ay itinatae lang ng utak ko. Hindi ko alam, siguro’y naging mapurol na ang aking utak dahil matagal-tagal rin itong napahinga sa paggawa at pag-iisip ng magagandang lathalain. Siguro’y nabahaw ng kaunti ang mga kalyo ko sa kamay na dati’y sobrang kapal dahil sa pagsusulat ng lahat ng pumasok sa aking isipan. O siguro’y kulang lamang ako sa inspirasyon. Marahil rin ay tinatamad na akong gumawa ng mga bagay na dati kong lubos na ikinaliligaya. Siguro’y nalimot ko na ang aking unang pangarap, ang aking unang pag-ibig: ang pagsusulat.

Kung maaari’y ipaalala niyo sa akin ang una kong mahal. Siya ang dahilan kung bakit ginagawa ko ang mga ginagawa ko ngayon. Miss na miss ko na siya.

No comments: