Hello Kevin,
Napangalanan naman na kita dito sa blog na ito, kaya wala na akong pakialam kung mabasa mo. Blog ko naman ito. Ito na sana ang huling sulat ko para sa iyo.
Gusto ko lang malaman mo na minahal kita ng sobra. Hindi ko alam kung paano, at lalong hindi ko alam kung bakit. Mula nung nakilala kita, hanggang sa magkatrabaho ako, hanggang sa kung anu-anong pangyayari na ang dumaan sa buhay ko. Kapag tinatanong ako, ikaw pa rin. Wala ka namang pakialam. Nagsara ang mata ko nun para sa ibang tao. Nawalan ako ng pakiramdam. Dumating sa puntong naging pangalan ka na lang para sa akin. Siguro noon, sinasabi ko na lang na ikaw pa rin ang nasa puso ko dahil wala naman akong makitang iba. Pero alam kong wala nang pag-asa. Tatlong taon ng buhay ko ang sinayang ko sa iyo. Naisugal ko pa ang pagkakaibigan namin ng college best friend ko, buti na lang naayos pa namin ngayon.
Para kang drugs. Heroin siguro kasi balita ko sobrang tindi manira ng buhay non. Pinasaya mo ako ng sandali, pero ang hirap ng naging kapalit. Pakiramdam ko napakawalang kwenta kong tao. Ganun lang pala ako kadaling balewalain. Nawala lahat ng inipon kong lakas ng loob nun. Nagsikap ako, gumraduate on time, nag-excel sa trabaho para kahit paano makita mo na "Uy teka, ang galing naman nya. I'm proud of her. Ang saya naman na inspiration ako nito." Alam mo kasi na inspiration kita nun e. Pero anak ng tupa, wala akong narinig sayo kahit na ano. Walang talab kahit anong effort ko to please you. To win your heart.
Ang laking bullshit lang na tiniis ko lahat yun na halos nakalimutan ko na kung sino talaga ako. Na pwede rin naman akong pahalagahan kahit paano.
Minahal kita. Totoo na iniisip kita lagi, na naaalala kita bago ako matulog, na dinadalangin ko lagi na ingatan ka ng Diyos araw-araw at iparamdam nya sa iyo ang yakap ko. Nasa kamay mo ang puso ko ng matagal na panahon, pero nanatili kang tikom para bigyan ako ng pagkakataon. Sabihin mo nang bitter ako dahil hindi ko kahit kailan naramdaman na mahal mo ako, pero sana man lang nagpakita ka sa akin ng kahit na kaunting respeto.
Pero kahit na tatlong taon ang sinayang ko, meron pa rin akong dapat ipagpasalamat. Salamat dahil binalewala mo ako ng sobra, na naaappreciate ko ngayon ang sarap sa pakiramdam ng pagpapahalaga sa akin ng iba. Masaya na ako ngayon. Sobrang saya. Ang sarap pala ng may nagme-message sa iyo tuwing bago ka matulog para tanungin kung kumusta ang araw mo. Yung proud sa achievements mo. Yung alam mong kapag kinwentuhan mo e makikinig sa iyo ng may interes at hindi napipilitan lang. Yung tao na kahit kailan e hindi nagmadaling tapusin ang pag-uusap nyo dahil mas pipiliin pa nyang maglaro ng computer games. Yung tao na willing mag-sustain ng conversation kahit na mapunta pa sa Star Wars ang usapan. Yung tao na hindi tatapusin ang tawagan kahit na pinapakinggan nyo na lang ang paghinga ng isa't isa. Yung tao na maghihintay ng new year na ikaw ang kausap. Yung tao na naaappreciate yung effort mo na surpresahin sya. Yung taong pakikiligin ka ng sobra-sobra hanggang sa point na pakiramdam mo masusuka ka na. Yung tao na marunong magpasalamat at marunong mag-sorry. Yung tao na nirerespeto yung feelings mo at nililinaw palagi kung ano ang nararamdaman nya.
Ang sarap pala makatagpo ng tao na ang tanging gusto ay maging masaya ka.
Lahat ng ginusto kong gawin mo sa akin ay ginagawa nya sa akin ngayon, at nag-uumapaw ang appreciation ko sa kanya ngayon dahil alam ko ang pakiramdam ng tratuhin na parang wala lang. Eto na ang kapalit ng tatlong taon ng pagpapaka-gaga ko sa iyo. Sa wakas, natapos din. Ito lang naman ang gusto mo diba? Ang huminto sa pagpipilit na mahalin mo? Eto na, Kevin. Binibigay ko na ang kalayaan mo mula sa puso ko ng buong-buo.
Minahal kita. Hindi na mawawala yun. Lagi ko pa ring iisipin ang ikabubuti mo. Hindi rin ako magagalit sa iyo, dahil ibig sabihin nun ay may nararamdaman pa rin ako para sa iyo. Hindi ako tuluyang makakamove on kung magagalit pa ako para sa iyo. Wala na, Kevin. Patay na ang damdamin ko. Sana masaya ka na.
Sana huwag mong tratuhin ang lahat ng tao na nakapaligid sa iyo ng tulad ng ginawa mo sa akin. Alam kong maraming nagmamahal sa iyo at sana huwag mo silang balewalain o itaboy. Ayaw ko na manatili kang mag-isa. At sana dumating yung panahon na makikita mo ang tunay na kasiyahan mo.
Patawad kung may nagawa akong hindi mo nagustuhan. Patawad dahil hindi kita nasamahan sa Law school. Iba siguro ang takbo ng buhay natin ngayon kung tumuloy tayo pareho.
Pero may mga pangyayari na hinayaan ng tadhana para maipakita niya kung ano ang mas mabuti para sa ating dalawa.
Maraming salamat, Kevin. Paalam.
PS. Nandito pa rin sa akin ang lahat ng sulat ko para sa iyo noong panahon na napasaya mo ako. Kung sakali man gugustuhin mong mabasa, pwede ko naman sigurong ibigay sa iyo. Hindi ko nga lang alam kung handa ba akong makita ka pa ulit.