Ipagpatawad mo kung magiging emosyonal at mahaba ang mga susunod na eksena.
Sa mga panahong ito, masasabi kong tapos na talaga ako ng unang taon ko sa kolehiyo. Nakakakita na ako sa CAS at sa OUR ng mga bagong sibol na Isko’t Iska na papalit sa aming not-so-comfort-zone ng pagiging fresh na fresh na freshies, at sa kanila, nakikita ko rin ang sarili ko (at malamang ikaw rin, nung freshie ka) noong mga unang araw ko sa peyups. Tipong makabunggo lang ng sempai (upperclass) eh feeling mapupunta na sa impyerno kung hindi magsosorry (naalala ko lang yung incident ni Lara. Hahaha.)
Kahit na sabihin mong freshie year ang pinanggalingan ko, wala pang major subjects at puro GE pa lang, ready-made nang nakukuha ang form five at block section pa, hindi rin naging madali iyon para sa’kin (ako pa, na pea-sized ang utak). Karamihan naman ng mga estudyanteng bagong pasok sa kolehiyo eh ganun, tas idagdag pa ang katotohanang sa pinakakapitagang Unibersidad ng Pilipinas ako nag-aaral (walang yabang, katotohanan lang). Mahirap, dahil ang mga magulang ko ay masaya kahit na gumastos sila ng halos beinte mil sa unang semester pa lang, dahil iniisip nila na kaunting tiis na lang at magtatapos na ako. Mahirap dahil pinagtitiwalaan ako ng magulang ko ng ganoong kalaki, na iniisip nila na makakatapos nga ako sa loob ng apat na taon at hindi ako madedelay (pinipilit ko naman e). Mahirap dahil ngayon ay nilalakbay ko ang apatnapu’t limang kilometrong pagitan ng tahanan namin at ng Unibersidad, at mahihiluhin ako sa biyahe. Mahirap, dahil araw-araw kong pinoproblema kung ano ang isusuot ko, dahil wala na akong uniporme. At pinakamahirap, ang pag-aaral syempre (kailan ba ito naging madali?)
Sa UP ko naranasan lahat: ang makipagbuno sa deadline, huwag matulog ng apatnapu’t walong oras, magkacrush sa prof, mahulog sa impyerno ngunit sinagip ng Diyos, mahulog sa mosh pit ng impyerno kung saan nag-iislaman lahat ng bumagsak, magkaroon ng prof na sugo ng kadiliman, makipag-usap sa sarili para magising, magpaphotox ng isang bundok na readings, muntik na di makauwi dahil nagastos ang pera sa project, ma-late ng 45 minutes sa finals, umiyak para sa isang subject (ulitin ng limang beses), maging prof si mojacko, maawitan ng ibong adarna, maglaslas ng pulso at magpiga ng dayap para ‘di makatulugan ang ibong adarna, magtagumpay paminsan-minsan, mabigo ng maraming beses, maging aware sa mga bagay-bagay, makakain ng carbonarang lasang gawgaw, makalmot ng pusa sa CAS, mayaya sa rally, abutan ng baha sa Taft, maibagsak ang dalawa sa tatlong major exam at pumasa sa subject na yun (possible pala), at… *ehem* umibig (naks!). Alam kong kulang pa ‘yan, pero malaki talaga ang nagawa ng UP sa akin, marami siyang ipinaranas, sa unang taon ko pa lamang.
Alam kong medyo malayo pa rin ang lalakbayin ko, pero masaya ako dahil tapos na ako sa una kong taon. Sa oras na ito, hinding-hindi ako nagsisisi na sa UP ako nag-aral. Mahal na mahal ko ang pagiging iska, at hindi ko ito ipagpapalit. :D